103
Pagsisiwalat sa narco-list, walang kinalaman sa eleksiyon – DILG
By

Pagsisiwalat sa narco-list, walang kinalaman sa eleksiyon – DILG

Kinasuhan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman ang mga incumbent government official na sinasabing sangkot sa kalakalan ng droga sa bansa.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, sa Ombudsman na lamang magpaliwanag at idepensa ng mga narco-politician ang kanilang sarili na kinabibilangan ng 35 alkalde, pitong bise-alkalde, isang provincial board member at tatlong kongresista na dumaan sa masusing balidasyon ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs ng Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, National Intelligence Coordinating Agency at iba pang law enforcement agencies.

Ang mga ito ay nahaharap sa administrative charges of grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service, conduct unbecoming of a public officer at gross neglect of duty.

Kaugnay nito, nilinaw naman ni DILG Usec. Jonathan Malaya, na walang kinalaman at nagkataon lamang na nalalapit na ang halalan nang magpasyang ilabas ng tanggapan ang mga pangalan ng mga narco politician.

Ayon kay Malaya, hindi umano nila motibo na wasakin ang pangalan at reputasyon ng mga tumatakbong kandidato sa kanilang mga constituent at nararapat lamang na harapin ng mga sangkot na politiko ang kasong kriminal na kanilang ihahain sa korte sa susunod na batch na kanilang ilalabas.

Sinabi naman ni DILG Assistant Secretary for Peace and Order Atty. Manuel Felix, malaking tulong naman para sa mga botante ang paglalathala sa pangalan ng mga politikong kakandidato na sangkot umano sa kalakalan ng iligal na droga mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular sa Northern Mindano.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi naman agad maglalabas ng pangalan ang ahensiya kung hindi ito sumailalim sa masusing proseso at balidasyon mula sa law enforcement agencies.

Sa panig naman ni Interior Undersecretary Martin Diño, na hindi naman maaapektuhan ang pamamahala sa mga lugar na may mga politikong nasa narco-list at hindi rin maaalis ang mga ito sa tungkulin ngunit mahigpit na imo-monitor sila ng DILG.

Kung sakali aniyang magpabaya ang mga iyon sa kanilang trabaho, hiwalay na usapin ang kakaharapin nila at posibleng makasuhan pa sa Ombudsman.

Nabatid na sa 46 ang pinangalanan ni Pangulong Duterte, ilan sa mga ito ay nakaupo pa, ang iba ay kumakandidato habang ang iba naman ay nawala na sa pwesto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?