37

By

Pagsipol, pagsutsot sa mga babae, LGBT, parurusahan na

Sharing is caring!

Inaprubahan na ng Senado ang panukalang batas kung saan layong ipakulong ang mambabastos at magsasalita ng ganito sa mga babae, bakla, tomboy at transgender (LGBT).

Sa Senate Bill No. 1558 o Safe Streets, Workplaces and Public Spaces Act of 2018, ituturing na pambabastos at harassment ang cat-calling o pagsipol, pagsutsot, pagkantiyaw, panlalait at pamamahiya sa kalsada at mga pampulikong lugar kabilang ang mga public toilet, taxi, bus, jeep at transport network vehicles (TNVs).

Ituturing ding krimen ang pagpapakita sa publiko ng ari, bastos na biro, may malisyang tabig o tsansing, public masturbation at stalking, o ang pangungulit at pagsubaybay sa biktima.

Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, nag-akda ng panukala, kailangan ng batas para sa proteksyon ng kababaihan at ng LGBT dahil hindi ito malinaw na saklaw ng probisyon ng Revised Penal Code laban sa unjust vexation.

Kailangan na rin umano ito dahil nakaaapekto ang pambabastos sa pakiramdam at pag-iisip ng biktima.

Kapag naisabatas, makukulong ng isang buwan hanggang anim na buwan at pagmumultahin ng hanggang P10,000 ang mapatutunayang nagkasala.

Sa survey ng Social Weather Station noong 2017, lumitaw na 88 porsyento ng mga babae na edad 18 hanggang 24 ang nakaranas ng sexual harassment sa kalye.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?