26

Sep 1, 2021 @ 18:38
By

Pagsipa sa kanya bilang PDP-Laban chairman waepek kay Duterte

Walang reaksyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa ginawang pagpapatalsik sa kanya ng Pimentel faction bilang Chairman ng PDP-Laban.

Ito ang tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos tanungin kung ano ang naging reaksyon ng pangulo sa ginawang aksyon ng grupo nina Senador Koko Pimentel at Senador Manny Pacquiao.

Sinabi ni Roque na mananatili pa ring Chairman ng administration party si Pangulong Duterte.

“Wala po, kasi sa pananaw ng Presidente, nananatili pa rin siyang chairman,” ani Roque.

Sakali aniyang lumala ang usapin sa loob ng PDP-Laban, sinabi ni Roque na kinakailangang mamagitan ang Korte Suprema.

Batid aniya ni Pangulong Duterte na posibleng hahantong sa Korte Suprema ang isyu sakaling hindi magkasundo ang dalawang paksyon sa loob ng partido.

“Kinakailangan po talaga na madesisyunan itong isyung ito ng Korte Suprema at alam po iyan ng Presidente,” dagdag ni Roque.

Matatandaang nahati sa dalawang paksiyon ang PDP Laban – ang Pimentel group at grupo ni Energy Secretary Alfonso Cusi na siyang tumatayong party president ng partido matapos kontrahin nina Pacquiao ang pag-endorso kay Pangulong Rodrigo Duterte para tumakbo sa pagka-bise Presidente sa 2022 national elections.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?