58

Dec 29, 2019 @ 10:19
By

Pagsipa ng presyo ng mga tirahan pinakamalaki mula Q1 ng 2016

Patuloy na nagmahal ang presyo ng mga tirahan nung third quarter ng taon, mapa-condo, bahay, duplex o townhouse pa ito.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kahapon, Disyembre 28, ito ang pinakamalaking pagmamahal ng halaga ng mga tirahan simula nung unang quarter ng 2016.

Sabi ng BSP, umakyat ang Residential Real Estate Price Index (RREPI) ng 10.4% nitong third quarter kumpara sa third quarter nung 2018. Sa RREPI sinusukat ng BSP ang pag-angat o pagbaba ng presyo ng mga tahanan.

Ayon sa mga property consultant, ang pagdagsa ng mga Intsik dahil sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang dahilan sa pagmahal ng property prices sa bansa magmula sa lupa hanggang sa mga renta ng opisina at mga condo.

Sabi ng BSP, pinakamalaki ang pagsipa sa presyo ng condo na nagmahal ng 29.1%, sumunod ang mga duplex na nagmahal ng 24.8%. Pinakamaliit naman ang pagmahal sa mga single detached/attached house sa 2.4% samantalang 6% naman ang tinaas sa presyo ng mga townhouse.

Pinakamalaki ang pagmamahal ng mga tahanan sa National Capital Region (NCR) kung saan 22.2% ang tinaas ng presyo.

Sabi ng BSP, 43.1% ng mga housing loan ay para sa condo na NCR at 35.5% ng mga ito ay para sa detached/attached house sa labas ng NCR. Ayon sa BSP, halos kalahati o 48.7% ng mga housing loan ay para sa mga tirahan sa NCR.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?