113

Apr 3, 2019 @ 14:44
By

Pagsibak sa 4 opisyal sa Negros Oriental, ikinadismaya ng simbahan

Ikinadismaya ni San Carlos Bishop Gerard Alminaza ang pagkakasibak sa apat na opisyal sa Negros Oriental dahil sa pagkakapaslang sa 14 na magsasaka sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya noong Sabado.

Kumbinsido ang Obispo na hindi makatarungan ang parusa laban kina Col. Raul Tacaca, police director ng Negros Oriental; Col. Patricio Degay, Canlaon City police chief; Lt. Kevin Roy Mamaraldo, Manjuyod police chief; at Capt. Michael Rubla, hepe ng Santa Catalina police.

Nauna nang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde na iniutos niya ang pagsibak sa mga opisyal para bigyang-daan ang isang ‘impartial investigation’ na isasagawa ng PNP Internal Affairs Services kaugnay sa insidente.

Gayunman, sinabi ni Alminaza na mga regional office ng pulisya ang nagplano at nagsagawa ng mga operasyon at walang alam dito ang apat na opisyal.

“I’m surprised that they were the ones relieved because they didn’t even know of the plan and they were not directly involved. As far as I know, it was the regional police coming outside Negros. They are the ones who should be investigated and held accountable,” ani obispo.

Dagdag niya, hindi rin makakabawas sa dalamhati ng pamilya ng mga biktima ang pagsibak sa mga opisyal.

Walo sa mga biktima ang napatay sa Canlaon City; apat sa Manjuyod at dalawa sa Santa Catalina.

Nanlaban umano ang mga ito kaya nabaril at napatay sila sa nasabing mga operasyon.

Ayon sa mga awtoridad, pawang mga supporter ng komunistang New People’s Army (NPA) ang mga biktima.

Gayunman, pinabulaanan ito ng pamilya ng mga biktima. Nasa bahay umano ang mga ito at walang mga baril nang barilin at patayin sila.

Naaresto naman ang 12 iba pa kabilang sina Corazon Javier, coordinator ng Gabriela at Azucena Garubat, coordinator ng party-list group na Anakpawis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?