126
junjun-binay
By

Pagsibak ng Ombudsman kay Junjun Binay, binaligtad ng CA

Sharing is caring!

Kinontra ng Court of Appeals (CA) ang utos na pagsibak ng Ombudsman kay dating Makati Mayor Jejomar Erwin ‘Junjun’ Binay.

May kinalaman ang kaso sa maanomalyang konstruksyon ng Makati City Hall Parking Building.

Matatandaan na noong Setyembre 7, 2015, hinatulan ng Ombudsman ng guilty si Binay at ang 19 na iba pang opisyal ng pamahalaang lungsod sa kasong serious dishonesty at grave misconduct dahil sa umano’y overpricing na pagtatayo ng gusali.

Sa 159-pahinang desisyon ng CA Tenth Division na isinulat ni Associate Justice Edwin Sorongon, pinaboran nito ang petisyon ni Binay kasabay ng pagbasura sa reklamong administratibo na isinulong ng Ombudsman laban sa dating alkalde.

Ayon sa appellate court, “moot and academic” na ang administrative complaint laban kay Binay dahil ang pinagbatayan ng reklamo ay saklaw pa ng condonation doctrine.

Tinukoy ng CA na bagama’t inabandona na ng Korte Suprema noong Nobyembre 2015 sa desisyon nito sa kaso ng Carpio-Morales versus Court of Appeals ang condonation doctrine dahil sa kawalan ng basehan sa 1987 Constitution, ang desisyong ito ng Kataas-taasang Hukuman ay “prospective” ang magiging porma ng aplikasyon ng desisyon.

Ibig sabihin, maaari lamang ipatupad ang pag-abandona sa condonation doctrine sa mga insidente o kaso na isinulong lagpas sa Nobyembre 2015.

Dahil dito, hindi umano maaaring mapatawan ng administratibong pananagutan si Binay sa mga hinihinalang paglabag na nangyari bago napawalang-bisa ang condonation doctrine.

Sa ilalim ng condonation doctrine, kapag ang isang opisyal ay muling nahalal, hindi siya maaaring disiplinahin sa administratibong paglabag na kanyang nagawa sa nakaraang termino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?