52
mark2
By

Pagsibak kay Tolentino, ikinalugod ng DOTr

Sharing is caring!

Welcome at mahigpit umanong sinusuportahan ng Department of Transportation (DOTr) ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin sa serbisyo si Atty. Mark Tolentino bilang Assistant Secretary for Railways dahil sa kuwestiyunableng pakikipag-usap at paghingi ng padrino sa Unang Pamilya na may kaugnayan sa isyu ng Mindanao Railway Project.

Ito ang nakasaad sa pahayag ng DOTr matapos ianunsiyo ng Malacañang ang pagtanggal kay Tolentino.

Ang DOTr, sa ilalim ng liderato ni Secretary Arthur Tugade, ay naninindigan na hindi kukunsintihin ang mga kahalintulad na gawain ng sinuman sa kanilang mga opisyal at empleyado.

Ang paggamit umano ng pangalan o namedropping at paghingi ng ayuda sa tulong ng Presidente, kanyang pamilya at iba pang maimpluwensiyang indibiduwal para sa proyekto sa gobyerno at pang-personal na interes ay hindi kukunsintihin.

Sabi pa sa pahayag ng ahensiya, nawa’y magsilbi itong leksiyon sa mga kawani at opisyal ng pamahalaan.

Tiniyak naman ng DOTr na “on track at on schedule” ang Mindanao Railway na isa sa mga priority project sa ilalim ng Build, Build, Build infrastructure program ng Duterte administration.

Siniguro rin ng ahensiya na matatapos sa takdang panahon at walang pagkaantala ang phase 1 ng proyekto na mag-uugnay sa mga lungsod ng Tagum-Davao-Digos sa 2021.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?