822
Pagsemplang ng Otso Diretso, dahil sa matatalinong botante - Palasyo
May 14, 2019 @ 19:45
By

Pagsemplang ng Otso Diretso, dahil sa matatalinong botante – Palasyo

Napag-aralan ng mga botante kung sino ang nagsasabi ng totoo at hindi.

Ito ang nakitang batayan ng Malacañang at hindi ang inilabas na matrix kaya hindi pinalad ang Otso Diretso candidates sa katatapos na eleksyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na naniniwala siyang hindi ang matrix ang naging dahilan ng pagkatalo ng mga kandidato ng oposisyon kundi napakinggan nila kung ano ang totoo sa mga talumpati ng mga kandidato noong panahon ng kampanya.

Ayon pa kay Panelo, may black propaganda laban kay Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon na nangangampanya ito sa pagka-Pangulo pero hindi pinaniwalaan ng mga tao dahil siya pa rin ang nanalo sa eleksyon.

Ganito rin aniya ang posibleng nangyari ngayon dahil matatalino ang mga botante kahit ano pang gimik ang gawin ng mga kandidato para magpabango.

“You must remember na iyong black propaganda against the President, the administration, naunang lumabas iyon ‘no and then nailabas ni Presidente iyong matrix; palagay ko napag-aralan ng mga tao kung sino ang nagsasabi ng totoo o hindi,” ani Panelo.

Matatandaang ginamit na isyu ng Otso Diretso ang mga isyu ng extrajudicial killings at West Philippine Sea at nagtangka pang magtungo sa Kalayaan Islands pero hindi ito pumatok sa mga tao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?