575

Nov 29, 2017 @ 13:56
By

Pagsasara ng Monumento Circle para sa Bonifacio Day, nagdulot ng trapik

Dahil sa maagang pagsasara ng Monumento Circle sa lungsod ng Caloocan ay maraming mga motorista at residente ng CAMANAVA ang nahuli sa kani-kanilang mga trabaho dahil sa matinding trapik na idinulot nito kaninang umaga.

Mag-a-alas-siyete pa lamang ng umaga ay isinara na ng Department of Safety and Traffic Management (DSTM) ang bahagi ng Samson Road na patungong Monumento Circle na siyang dinadaanan ng mga nanggagaling sa mga lungsod ng Navotas, Malabon at ibang taga-Tondo, Manila.

Labis din na naapektuhan ang mga motorista at mga pampasaherong sasakyan na nanggagaling ng Maynila at dumadaan sa Rizal Avenue Extension na mga patungo naman ng lungsod ng Valenzuela.

Paliwanag ng hepe ng DSTM na si Larry Castro, bahagi umano ito ng kanilang dry run para sa pagdiriwang ng Bonifacio Day bukas kung saan gaganapin umano sa bantayog ni Gat Andres Bonifacio ang nasabing selebrasyon.

Inaasahan namang gabi na ng araw ng Huwebes muling bubuksan ang Monumento Circle sa mga motorista pagkatapos ng inihandang programa ng lokal na pamahalaan ng Caloocan City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?