14

Aug 24, 2020 @ 18:58
By

Pagsabog sa Jolo kinondena ng mga senador

Kinondena nina Senador Bong Go at Senadora Risa Hontiveros ang nangyaring pagsabog sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng 12 katao at ikinasugat ng 34 iba pa.

“Nakakalungkot na habang ginagawa natin ang lahat upang maisaayos ang ating lipunan at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang ating mga anak, may mga terorista pa ring patuloy na inilalagay sa peligro ang buhay ng mga inosente nating kababayan,” sabi ni Go sa isang statement.

“Hangga’t hindi natin matigil ang terorismo sa bansa, mahihirapan tayong maisakatuparan ang inaasam nating ‘long-lasting peace’ sa Mindanao at sa buong bansa,” dagdag nito.

Hinikayat din nito ang kaukulang ahensiya ng gobyerno na tugisin ang nasa likod ng insidente at papanagutin ang mga ito sa kanilang ginawa.

“Bigyan natin ng hustisya ang mga inosenteng buhay na nawala dahil sa walang saysay na terorismo,” ani Go.

Nakidalamhati naman is Hontiveros sa mga pamilya at nasawi sa naturang insidente.

“I urge authorities to immediately ensure our people’s safety and to conduct a full investigation into this act of terror. Kailangan panagutin sa batas ang may responsibilidad nito,” ani Hontiveros.

“We are united with our kababayan in Jolo in their pursuit of justice and peace,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?