267
ABANTE mayon volcanot erupt likas
Jan 15, 2018 @ 11:14

Pagsabog ng Mayon inaantabayanan na

Posible umanong sumabog ang Bulkang Mayon kaya’t itinaas na ang alert level para dito at pinalikas na ang may libong residente sa lugar dahil sa panganib na bunga nito.

Kasalukuyang minomonitor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang bahagyang magmatic eruption o pagluwa ng magma ng Mayon Volcano.

Itinaas sa alert level 3 ang bulkan noong Linggo na ang ibig sabihin ay malaki ang posibilidad ng mapanganib na pagsabog nito, ayon kay Phivolcs director Renato Solidum.

Sakali namang pumutok na ang bulkan ay itataas pa sa level 5 ito.

Inabisuhan na rin ng mga otoridad ang mga residente dito na takpan ang kanilang bibig at ilong ng malinis at basang bimpo o damit o mask kung hantad sila sa abo mula sa pagsabog ng bulkan.

Pinaiiwas na rin ang mga sasakyang panghimpapawid sa bunganga ng bulkan.

Ayon pa kay Solidum, nakatakda nang magkaroon ng malaking pagsabog ang Mayon dahil sa abnormal nang galaw nito.

“For the past 24 hours, Mayon Volcano in Albay Province has noticeably increased its unrest,” babala pa ng Phivolcs.

Huling nanalasa ang Mayon noong Pebrero 1841, kung saan nilamon ng kumukulong putik o lava ang isang bayan na kumitil sa 1,200 katao, sa ulat ng ABS-CBN News.

Huling pagsabog nito ay taong 2014 kung saan dumura ito ng lava at napuwersa ang libong katao na mag-evacuate.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?