By

Pagresolba ng PHL sa Marawi crisis, pinuri ng ASEAN Ministers

Sharing is caring!

Puring-puri ng mga foreign minister ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang matagumpay na pagresolba ng pamahalaang Pilipinas sa sigalot sa Marawi City.

Pinapurihan din nila ang tagumpay sa pagkadurog sa liderato ng teroristang grupo ng Maute at ang paghaharap sa hustisya sa mga natira sa mga terorista.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang pagkabilib ng mga opisyal ng mga bansang kasapi ng ASEAN ay inihayag sa pagpupulong ng ASEAN Political Security Community Council (APSC), sa gitna ng pagdaraos ng ika-31 ASEAN Summit.

Bunsod ng paghahasik na ito ng terorismo sa Marawi at sa nakitang malaking banta ng terorismo sa rehiyong ito ng Asya, muling nagkasundo at nangako ang mga bansang kasapi ng ASEAN na magtutulungan sa paglaban sa terorismo at mararahas na grupo.

“Noting the growing tide of terrorism fueled by violent extremist ideologies and the problem posed by foreign terrorist fighters, the Foreign Ministers renewed their commitment to cooperate regionally and with external partnrs in fighting the scourge of terrorism and violent extremism,” ayon sa DFA.

Tumagal ng limang buwan ang bakbakan sa Marawi City kung saan napatay ng mga awtoridad ang lider ng Abu Sayaff Group na si Isnilon Hapilon at ang pinuno ng Maute Group na si Omar Maute.

Napatay din ang mahigit 1,000 terorista at halos 200 sundalo at pulis. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?