29

Oct 14, 2021 @ 12:50
By

Pagrebisa sa ‘emergency procurement’ inihain sa Senado

Inihain ni Senador Francis Tolentino ang isang panukala na naglalayong susugan at rebisahin ang mga kasalukuyang panuntunan na may kinalaman sa ‘emergency procurement.’

Sabi ni Tolentino, dapat maging klaro sa ilalim batas na may sapat pinansyal na kakayahan ang isang supplier o kontratista na kukunin ng pamahalaan sa tuwing magkakaroon ng emergency procurement, kagaya ng nangyari nitong COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2433, aamyendahan ang ilang probisyon ng Republic Act No. 9184 o ang Government Procurement Reform Act, lalo na ang mga may kinalaman sa tinatawag na “negotiated procurement.”

Kinakailangan ding magsumite ang mga kontratista/bidder ng sapat sa rekisitos na magpapatunay na may sapat itong pinansyal na kapabilidad na sa ilalim ng mga panuntunang itinakda ng pamahalaan.

Sabi ni Tolentino, pinapayagan sa ilalim ng RA 9184 na pumasok ang gobyerno sa isang negotiated procurement kung mayroong umiiral na “extraordinary circumstances,” subalit sa kondisyon na ang pipiliing pribadong kontratista ay may legal, teknikal, at pinansyal na kakayahan.

Paliwanag pa nito, wala sa kasalukuyang Procurement Code ang mga panuntunan na direktang makatutukoy kung ang isang supplier o kontratista ay may sapat na kakayahang tumupad sa pinasok nitong kontrata sa pamahalaan.

Dapat na umanong magsilbing aral sa pamahalaan ang nangyaring emergency procurement nitong kasagsagan ng pandemya, at tukuyin ang mga butas sa ilang panuntunan na nakapaloob dito.

Kasalukuyang nagsasagawa ng magkahiwalay na imbestigasyon ang dalawang kapulungan sa Kongreso ukol sa akusasyon ng umano’y overpricing sa pagbili ng mga medical supplies sa kompanyang Pharmally sa ilalim ng RA 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act of 2020.

“The pandemic laid bare disparities in our laws, particularly those related to health care, travel, transportation, and procurement,” sabi ni Tolentino. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?