160

By

Pagpuntirya sa drug pushers ng PNP, binatikos ni Carpio

Sharing is caring!

Maging ang isyu ng P6.4 bilyon na halaga ng shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs (BOC) ay naungkat sa ikatlong araw ng oral arguments sa Korte Suprema kaugnay sa anti-illegal drugs campaign ng Philippine National Police (PNP).

Ito ay nang punahin ni Senior Associate Justice Antonio Carpio kung bakit ang mga retailer o maliliit na tulak ng iligal na droga ang madalas na mapuntirya ng mga pulis.

Bakit daw hindi ang mga big-time drug lords ang tutukan ng PNP para maputol na ang suplay at mawala ang demand sa iligal na droga?

Para kay Carpio, mas dapat na bigyan ng prayoridad ang mga malalaking importer ng shabu lalo pa’t kinikilala mismo ng PNP ang pamamayagpag sa bansa ng tatlong transnational syndicate ng iligal na droga.

Aniya, kung maghihigpit lamang ang administrasyon sa BOC, marami na ang matitiklo.

Tumanggi naman si Solicitor General Jose Calida na magkomento sa isyu ng shabu shipment dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon dito.

Tungkol naman sa pagpuntirya sa mga maliliit na tulak ng droga, sinabi ni Calida na ang utos ng Pangulo ay para sa lahat ng mga sangkot sa droga.

Pero ang problema aniya, ang mga malalaking drug lord na kinabibilangan ng mga Chinese ay wala sa hurisdiksyon ng Pilipinas dahil sila ay nasa China, at ang iba naman ay nakakulong na.

Dagdag pa ni Calida, bukod sa mga pier, ginagawa ring alternatibo ng shabu smuggling ang pagtatapon ng iligal na droga sa dagat. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?