613

By

Pagpirma ni Gazmin sa amnestiya ni Trillanes, posibleng kasuhan – Roque

Sharing is caring!

May posibilidad na maharap sa kaso si dating Defense Secretary Voltaire Gazmin dahil sa pagpirma sa amnestiyang ibinigay ng Aquino administration kay Senador Antonio Trillanes.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang krimen ay usurpation of authority dahil ginampanan niya ang isang katungkulan na hindi naman para sa kanya.

Si Gazmin aniya ang pumirma ng amnestiya ni Trillanes na dapat ang Presidente lamang ang dapat na gumawa nito.

“Tanging ang Presidente lamang ang puwedeng magbigay ng amnesty. Dahil sa Saligang Batas tanging Presidente lang ang may kapangyarihan na magbigay ng ganyang amnestiya,” ani Roque.

Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Sabado na si Gazmin ang nag-imbestiga sa kudetang inilunsad ni Trillanes noon at siya rin ang nagrekomenda na bigyan ng amnestiya ang senador pati ang pagpirma dito.

Sinabi ni Roque na walang otoridad sa batas si Gazmin para magbigay ng amnestiya kay Trillanes dahil ito ay tungkulin ng Presidente.

“Ang punto po ni Pangulong Duterte, hindi lang kulang ng requirement iyong amnesty ni senator Trillanes , kung hindi pati iyong tao na nagbigay sa kanya ay walang awtoridad sa ating bansa na magbigay ng amnesty,” dagdag pa ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?