7

Dec 2, 2020 @ 13:50
By

Pagpayag sa menor de edad sa mall depende sa mga doktor

Hihintayin pa ng mga alkalde ng Metro Manila ang masasabi ng mga doktor sa panukalang payagan nang pumasok sa mga mall ang mga menor de edad.

Ito ang napagdesisyon ng mga alkalde sa kanilang pulong kahapon, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia.

“Nag-decide kagabi ang mga mayor natin na we will wait for the opinion of the experts. Sabi nga nila: [Kung] payagan natin ‘yan, at magkaroon ng surge, ang sisihin, mayors,” ani Garcia sa isang press conference ngayong araw.

“Hindi naman mga doktor ‘yang mga mayor natin. They’re just the decision maker kaya lang based on facts—ano ang masasabi ng mga doktor.”

“So we are waiting for the opinion of the Pediatrics Society of the Philippines. Whatever opinion that they will have, we will discuss it again sa mayors, at boboto,” aniya pa.

Aniya, magpepresenta ng ulat ang Philippine Pediatrics Society at Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines hinggil sa kaligtasan ng panukalang patakaran. Posible aniyang mapinalisa na ang desisyon ng mga mayor bukas ng gabi.

Magugunitang kahit edad 15 hanggang 65 ang pinapayagang lumabas ng bahay ng IATF, edad 18 hanggang 65 lang ang pinahihintulutang lumabas ng bahay ng mga alkalde sa Metro Manila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?