776
views

By

Pagpatay sa Tanauan mayor, kinondena ng Malacañang

Sharing is caring!

Mariing tinuligsa ng Malacañang ang pagpatay kay Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili kaninang umaga.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang alkalde ay isa sa mga matibay na kasangga ng administrasyon sa kampanya kontra iligal na droga.

Nakilala aniya nito ang pinatay na mayor bilang mahusay na lingkod bayan ng isa sa maunlad na bayan ng Batangas.

Sinabi ni Roque na isang kawalan si Mayor Halili sa mga taga-Tanauan at pati na rin ng sambayanang Filipino.

Tiniyak ng kalihim ang malalimang imbestigasyon sa nangyari sa alkalde para mabigyang katarungan ang pagkamatay nito, kasabay ang pagtiyak na mapaparusahan ang mga nasa likod ng krimen.

“Kinokondena po natin itong pagpatay kay Mayor Halili ng Tanauan. Nakilala po natin si Mayor Halili, siya po ay isang napakatibay na kasangga ng Presidente sa giyera laban sa droga. Siya po ay napakahusay na alkalde sa kanyang pamumuno sa isang pinakamaunlad na bayan ng Tanauan, Batangas. Kawalan po ito hindi lang sa mga taga-Tanauan kundi sa sambayanang Filipino at nangangako po tayo sa pamilya at constituents na bibigyan natin ng katarungan, imbestigahan at parusahan ang mga taong nasa likod ng pagpatay sa kanya,” ani Roque.

Tumanggi namang magkomento muna si Roque sa isyu ng pagtanggal ng National Police Commission (Napolcom) sa deputization ni Halili noong Nobyembre 2017 dahil sa pagkakasangkot umano nito sa narco list.

Ayon kay Roque, hindi na muna sila magsasalita tungkol sa isyu at sa ngayon ay makikiramay muna sila sa pagdadalamhati ng pamilya ni Mayor Halili.

“Sa ngayon po makikiramay muna kami sa pamilya ng napaslang na si Mayor Halili. Saka na natin pag-usapan ‘yan. May tamang panahon para pag-usapan ‘yan. Sa ngayon po ay panahon ng dalamhati at pakikiramay,” dagdag pa ni Roque. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?