By

Pagpatay sa pari, kinondena ng VACC

Sharing is caring!

Walang kapatawaran.

Ito ang sinabi ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) kaugnay sa pagpatay kay Fr. Richmond Nilo kahapon sa Zaragoza, Nueva Ecija.

Sa inilabas na pahayag ng anti-crime group, nakakapangilabot na pinatay ang pari habang naghahanda para sa pagselebra ng banal na misa sa isang kapilya.

Si Nilo ang pangalawang pari na pinatay sa lalawigan.

Magugunita na noong nakaraang Disyembre, pinagbabaril din ang 72-anyos na si Fr. Marcelito Paez sa bayan ng Jaen.

Noon lang nakaraang Abril, pinatay din matapos makapagselebra ng misa si Fr. Mark Ventura sa Cagayan.

Nakaligtas naman sa pagtatangka sa kanyang buhay si Fr. Rey Urmeneta sa Calamba City sa Laguna ilang araw pa lang ang nakakalipas.

Nanawagan ang VACC sa Philippine National Police na agad bigyan ng hustisya ang pagpatay kay Nilo.

Kasabay nito, nagpahayag na rin ang grupo ng kanilang pangamba hinggil sa sunod-sunod na pagpatay hindi lang sa mga alagad ng simbahan, kundi maging sa mga opisyal ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?