33

By

Pagpatay sa mga pari, tinuligsa ni Cardinal Tagle

Sharing is caring!

“Huwad ang kalayaan kapag pinaglalaruan ang katarungan.”

Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ngayong Araw ng Kasarinlan kung saan kanyang tinuligsa ang mga nagaganap na pagpatay na aniya ay wala nang pinili kahit pa sanggol, kabataan, magulang, lola, pulis sundalo at pari.

Partikular na tinukoy ni Cardinal Tagle ang kaso nina Henry Acorda, Filipinong pinatay sa Slovakia, at Father Richmond Nilo ng Cabanatuan, Nueva Ecija na pinakahuling alagad ng simbahan na pinaslang sa Pilipinas.

Kasabay nito, umaasa si Cardinal Tagle na ang sinapit ni Father Nilo ay hindi na masusundan pa.

Nanawagan din siya ng katarungan para sa mga namatay at para sa kanilang pamilya dahil para sa kardinal, taliwas sa kalooban ng Diyos ang pagyurak sa buhay.

“Tumatangis tayo para sa kanila, sa kanilang pamilya at sambayanan. Humihingi tayo ng katarungan para sa kanila. Huwad ang kalayaan kapag pinaglalaruan ang katarungan.

“Inuulit po natin: Taliwas sa kalooban ng Diyos ang pagyurak sa buhay. Hindi solusyon ang pagpatay sa mga problemang personal at panlipunan,” saad ni Cardinal Tagle.

Dahil dito, umapela rin ang arsobispo para sa patuloy na pagpapatunog ng kampana ng simbahan tuwing alas-otso ng gabi bilang pag-alala at panalangin para sa mga namatay.

Hinimok din niya ang pag-aalay ng misa sa mga parokya sa loob ng siyam na araw mula Hunyo 13 para sa mga pinaslang, lalo na sa mga pari dahil ngayon ay Year of the Clergy and Consecrated Persons.

Samantala, pinuna rin ng kardinal ang pagiging laganap ng pagkaalipin sa bisyo, droga, katiwalian, kapangyarihan, pera, luho, at karahasan.

Dagdag pa ng arsobispo, nakalulungkot na sa kabila ng paggunita sa kalayaan, marami pa rin ang inaalipin ng kahirapan, pagkagutom, pagsasamantala, takot at pagpatay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?