550

Dec 15, 2017 @ 15:43

Pagpatay sa mag-ina sa Cavite, iimbestigahan ng NBI

Pasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsisiyasat sa kaso ng pinaslang na mag-ina sa General Trias, Cavite.

Ito ay makaraang atasan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II ang NBI sa ilalim ng Department Order 797 para magsagawa ng imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Ruby Gamos at sa kanyang pitong taong gulang na anak na si Shaniah Nicole.

Ang mag-ina ay natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay noong Lunes.

Nauna nang tinukoy ng pulisya na posibleng pagnanakaw ang pangunahing motibo sa krimen dahil nawawala ang ilang mamahaling gamit sa bahay ng mga biktima kabilang na ang alahas at mga cellphone.

Gayunman, walang indikasyon na pwersahang pinasok ang bahay ng mga biktima kaya nagdududa ang kanilang kaanak na posibleng ang salarin ay kakilala rin ng mga biktima.

Dumating ang asawa at ama ng mga biktima na si Marlon Gamos mula United Arab Emirates nito lamang Martes, isang araw matapos matagpuang patay ang kanyang mag-ina.

Ayon kay Marlon, huli niyang nakausap ang kanyang asawa nito lamang December 7.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?