34

Aug 19, 2020 @ 15:13
By

Pagpatay sa 4 sundalo sa Jolo: Planado, sinadya – NBI

Planado at sinadya umano ang pagpaslang sa apat na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Jolo, Sulu noong Hunyo, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, sinabi ng NBI na pinalibutan ng mga pulis ang Montero Sport na ginamit ni Major Marvin Indamo, isa sa apat na sundalo na namatay sa insidente.

“The way they positioned themselves on all sides of the Montero, one at the back, the others moving to the left side, as though surveying the vehicle, then another one actually opening the right door…based on the statement of witnesses, napalibutan po sila,” pahayag ni Zulikha Marie Degamo, ng NBI death investigation division, sa komite.

Ayon pa kay Degamo, nagtugma rin umano ang baril na ginamit ng apat sa siyam na pulis na sangkot sa insidente sa empty shells na narekober sa crime scene.

Sina Indamo at tatlong pang kasama nitong sundalo ay tinutugis ang diumano’y suicide bomber sa lugar nang harangin sila ng mga pulis sa Barangay Walled City noong Hunyo 29 kahit na nagpakilala silang mga kasapi ng military.

Subalit sa kabila ng mga ebidensiya, sinabi ni Philippine National Police Chief Archie Gamboa, na ang siyam na pulis na sangkot sa insidente ay hindi puwedeng arestuhin at ikulong dahil wala pang kasong inihahain sa korte at wala ring arrest warrant na inisyu sa laban sa kanila.

“These nine officers have not even been charged in court yet. There are no warrants of arrest that are being issued. And there are no commitment orders that are yet to be issued,” sabi ni Gamboa.

“And I hope that the NBI would attest to that…If these facts are true and that they have been charged in court, and there is a commitment order and there is a warrant of arrest, then we would be glad to turn them over to the court that has jurisdiction over the case,” sambit pa nito.

Nauna nang naghain ang NBI ng apat na bilang ng murder at pagtanim ng ebidensiya laban kina PSMS Abdelzhimar H. Padjiri, Police Master Sergeant Hanie U. Baddiri, P/Staff Sergeant Iskandar I. Susulan, PSSg Ernisar P. Sappal, P/Corporal Sulki M. Andaki, Patrolman Mohammad Nur E. Pasani, PSSg Almudzrin M. Hadjaruddin, Patrolman Alkajal J. Mandangan at Patrolman Rajiv G. Putalan dahil sa kanilang kaugnayan sa insidente.

Inirekomenda rin ng NBI ang paghahain ng kasong neglect of duty laban kina Sulu Provincial Police Chief P/Colonel Michael Bawayan, Jolo Police Chief P/Major Walter Annayo at Sulu Provincial Drugs Enforcement Unit chief P/Captain Ariel Corcino.

Sa pagdinig, inamin ni Mandangan na siya ang nagpaputok kay Indamog dahil kailangan niyang protektahan ang kanyang sarili. Sabi naman ni Padjiri, bumaba si Indamog sa sasakyan na may bitbit na M14 rifle.

Nang tanungin ni Dela Rosa kung sino ang unang nagpaputok, sinabi ni Mandangan na hindi alam kung sino ang bumaril sa mga sundalo.

Sinabi pa ng NBI na batay sa mga testigo, walang armas si Indamog at nakataas ang kamay nito nang bumaba sa kanyang sasakyan.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si AFP Chief Lt. Gen. Gilbert Gapay sa development ng kaso dahil wala pa ring nangyayari dalawang buwan mula nang mangyari ang insidente.

“That (incident) is a very aggravating circumstance…On the part of the Armed Forces, we urge for the immediate filing of murder, planting of evidence and neglect of duty as recommended by NBI at the proper courts, immediately,” sabi ni Gapay.

“We have been waiting for 2 months already and we know, justice delayed is justice denied. So we expect the immediate filing of the recommendation and charges by the NBI found upon during their initial investigation,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?