131

Aug 28, 2018 @ 15:39
By

Pagpataw ng taripa ‘wa epek sa inflation – Economic managers

Ibinasura ng mga economic manager ng gobyerno ang mungkahing patawan ng taripa ang ilang bilihin para bumaba ang nararanasang inflation sa bansa.

Ito ang napagkasunduan sa ginanap na pulong ng tariff commission, kasama ang ilang ahensiya ng pamahalaan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na sa halip na taripa, ang inaprubahan ay ang pag-iimport ng galunggong at pag-aalis ng special safeguard measures sa sibuyas at manok kaya’t aasahang bababa ang presyo sa pag-iimport ng mga ito.

“Nagkaroon po sila ng desisyon, ang pagbaba po ng taripa ay hindi talaga magbababa ng mga halaga ng bilihin, lalo na ang mga pagkain. So ang ginawa po nilang pamamaraan para mapababa ang presyo, unang una ay iyong pag-approve sa pag-iimport ng galunggong,” ani Roque

Sa karne naman ng baboy, sinabi ni Roque na binibigyan ng Department of Agriculture ang mga mga negosyante ng isang buwan para makapag-import sa tinatawag na minimum access volume quota holders at bababaan ang kanilang presyo.

Para naman sa mga produktong gulay, sinabi ni Roque na magkakaroon ng regular inspection sa warehouses ng mga importer para mabatid kung ano talaga ang level ng inventory.

Sa supply naman ng bigas, sinabi ng kalihim na magkakaroon ng mahigpit na monitoring sa pagdating at distribution ng mga NFA rice importation.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?