282

Dec 9, 2017 @ 19:14

Pagpasok sa permanent danger zone, pinagbawal na sa Mt. Kanlaon

Ipinagbawal na ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) sa Kanlaon Volcano sa Negros Island matapos muling bumuga ng maitim na usok at abo ang nasabing bulkan kaninang alas-9:47 ng umaga.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tumagal ng sampung minuto ang phreatic eruption ng bulkan na kasalukuyan nang nakataas sa alert level 2.

Ayon umano sa mga residente sa Brgy. Manghanoy, La Castellana, nakarinig sila ng pag-ugong ng bulkan at napunta ang abo nito sa Sitio Guintubdan, La Carlota City.

Inabisuhan na ang mga naninirahan malapit sa paanan ng bulkan na maghanda sa mga posibleng epekto ng pagputok ng bulkan.

Gayundin naman, sinabi ng Phivolcs na dapat abisuhan ng civil aviation authorities ang kanilang mga piloto na huwag munang lalapit sa bukana ng bulkan dahil mapanganib umano sa mga sasakyang panghimpapawid ang iniluluwa nito na mula sa phreatic eruption.

Sa ngayon ay patuloy ang monitoring ng DOST-Phivolcs sa aktibidad ng Bulkang Kanlaon. 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?