78

Apr 18, 2020 @ 11:01
By

Pagpaslang ng Abu Sayyaf sa 11 sundalo, kinondena ng Palasyo

Kinondena ng Malacañang ang ginawang pag-atake ng grupong Abu Sayyaf sa tropa ng militar sa Patikul, Sulu na nagresulta sa pagkasawi ng 11 sundalo at pagkasugat ng 14 na iba pa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng mga bandido na pinaniniwalaang kagagawan ng grupo nina Abu Sayyaf leader Radulan Sahiron at Hatib Hadjan Sawadjaan.

“We strongly condemn in the strongest possible terms the latest incident in Patikul,Sulu. The enemies of the State choose no date and occasion. They strike even during this time of great pandemic,” ani Roque.

Tinawag ni Roque na walang konsensiya at halang ang kaluluwa ng mga bandido dahil ginawa ang pag-atake sa panahong may kinakaharap na krisis ang bansa sa coronavirus disease 2019.

Hindi aniya katanggap-tanggap ang gawaing ito ng mga bandido kaya marapat lamang na mapanagot ang mga ito sa batas.

Ipinaabot ni Roque ang pakikiramay ng Office of the President sa mga naulilang pamilya ng mga nasawing sundalo at binibigyang pagkilala at pagrespeto ang kabayanihan ng mga ito sa ginawang sakripisyo para maproteksiyonan ang komunidad.

“The Office of the President expresses its sincerest condolences to the bereaved families left behind by our brave soldiers who fought hard and paid the ultimate sacrifice to secure our community. We honor and pray for the fallen,” dagdag pa ni Roque.

Tiniyak naman ng kalihim na nananatiling nakahanda ang puwersa ng gobyerno para durugin ang mga kalaban at pigilan ang anomang pag-atake sa harap ng state of calamity at public health emergency.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?