82

Jul 5, 2019 @ 11:48
By

Pagpasa ng ‘endo’ bill bago ang SONA, nakasalalay kay Duterte – Palasyo

Nasa desisyon na ni Pangulong Rodrigo Duterte kung pipirmahan nito bilang batas bago ang kanyang nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ang Security of Tenure Bill na magtutuldok sa kultura ng “endo” sa mga pribadong kompanya.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng kagustuhan ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mapirmahan ng Pangulo ang panukalang batas para maibida ito bilang isa sa mga nagawa ng Duterte administration sa loob ng nakalipas na tatlong taon.

Ayon kay Panelo, wala siyang ideya kung mapipirmahan agad ng Pangulo ang panukalang batas dahil wala pang ipinapalabas na mga dokumento sa mga nalalagdaang batas mula sa Office of the President.

“I don’t know whether his wish will be granted prior to the Sona. But whether or not it will be before or subsequent to the SONA, the welfare of the people is still there. Kapag pinirmahan niya kahit after the SONA, eh ‘di ganoon pa rin ang epekto,” ani Panelo.

Ang pagpapatigil sa “endo” ang isa sa campaign promise ni Pangulong Duterte matapos mabatid ang ginagawa ng marami sa mga pribadong kumpanya na bago umabot ng anim na buwan sa trabaho ang isang empleyado ay tinatapos na ang kontrata.

Sa ilalim ng batas paggawa, kapag natapos ang anim na buwang probation ng isang manggagawa ay dapat na i-regular na ito sa trabaho.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?