149

Jun 4, 2020 @ 8:50
By

Pagpasa ng anti-terror bill maling prayoridad ng gobyerno – Hontiveros

Maituturing na isang “misplaced priority” ng Duterte administration ang pagpasa ng panukalang Anti-Terrorism Act sa panahong sinasagupa ng mga Pinoy ang COVID-19 pandemic.

Ito ang pahayag ni Senador Risa Hontiveros matapos aprubahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kontrobersiyal na panukala.

“Sa panahong ang mga Pilipino’y nagkakasakit, nawawalan ng trabaho, walang masakyan, at nagugutom dahil sa COVID-19, ang inihaing solusyon ng gobyerno ay isang Anti-Terrorism Bill na pwedeng ipakulong ang mga nagrereklamo,” sabi ni Hontiveros sa kanyang tweet.

Bago ito naaprubahan sa Kamara, sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent ang panukala kaya minadali ng mga mambabatas ang pagpasa.

“Misplaced priorities. A tragedy for democracy,” dagdag ng senador.

Si Hontiveros at Senador Francis Pangilinan ang 2 senador na bumoto kontra sa panukala nang ipasa ito sa Senado noong Pebrero.

Sinabi naman ni Pangilinan na dapat bigyan ng gobyerno ng prayoridad ang public transportation at health service sa halip na anti-terror bil.

“Hindi natin kailangan ng magbibigay ng mas maraming kapangyarihan sa gobyerno para supilin ang karapatan ng mamamayan, lalo na’t palpak o kurakot ang sukli ng kanilang tiwala,” ani Pangilinan.

“Pakinggan natin ang hinaing at hiling ng taumbayan,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?