By

Pagpapauwi sa OFWs sa Kuwait, hindi sapilitan – Palasyo

Sharing is caring!

Nilinaw ng Malacañang na hindi sapilitan ang pagpapauwi sa mga Filipinong nagtatrabaho sa Kuwait sa harap ng kinakaharap na diplomatic issue sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, malinaw ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na para ito sa mga Filipinong gustong umuwi na sa bansa, at nangakong pauuwiin lahat ang mga ito.

Ayaw na aniya ng Pangulo na madagdagan ang mga sinasaktang overseas Filipino worker sa Kuwait .

“Eh, talaga naman pong boluntaryong sinabi ng Presidente, iyong mga gustong umuwi, umuwi na, kung pupuwede umuwi na nang mabawasan iyong ating… iyong danyos ba na meron na namang Filipino na masasaktan sa Kuwait,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na maghahanap ang Pangulo ng trabaho para sa mga uuwing OFWs dahil sa kalaunan ay mangangailangan ang gobyerno ng mga manggagawa kapag nagsimula na ang mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program.

“Sabi nga ng ating Presidente, lahat ng gusto nang umuwi, umuwi na sila at ineengganyo na niya na umuwi. Dahil totoo naman, nagkukulang na tayo ng tao dito sa Build, Build, Build. Talagang baka nga tayo pa ang kumuha ng mga dayuhang mga manggagawa para dito sa Build, Build, Build kung hindi umuwi iyong ating mga kababayan lalung-lalo na iyong mga skilled worker na construction workers galing sa Gitnang Silangan,” dagdag pa ni Roque.

Nauna rito tumatanggi ang mga OFW sa Kuwait na maayos ang trabaho na tumugon sa panawagan ng Pangulo dahil wala naman umano silang dadatnang maayos na kabuhayan pagbalik sa Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?