41

By

Pagpapataw ng fuel excise tax, ipinatitigil sa Kamara

Naghain ng resolusyon ang labing-anim na kongresistang taga-oposisyon na naglalayong agad na suspendehin ang ipinapataw na excise tax sa produktong petrolyo at ang nakatakdang pagtaas pa nito sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Kasama sa mga naghain ng Joint Resolution 29 sina Albay Rep. Edcel Lagman ng grupong Magnificent 7, Marikina Rep. Miro Quimbo ng tinatawag na People’s Minority at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ng Makabayan bloc.

Naniniwala ang mga kongresista na ito ang epektibong paraan para mahinto ang lalo pang pagtaas ng inflation rate sa bansa na pumalo na sa 6.4% nitong Agosto.

Kung tutuusin anila ay underestimated pa ang 6.4% dahil ang pinapasang taas-presyo ng publiko ay aabot ng 8.5%.

Depende pa umano ito sa lugar dahil sa Bicol ay 12.5% ang itinaas ng presyo ng bilihin habang 12.4% naman ang rice inflation rate sa Soccsksargen area at 11.7% sa Ilocos region.

Katwiran pa sa resolusyon, kritikal ang langis sa agriculture, manufacturing, power at transporation industries kaya ang bawat taas nito ay nangangahulugan ng taas-presyo sa produkto resulta ng mas mahal na production cost.

Iginiit ng mga may-akda ng panukala na hindi na kakayanin ng mga Pilipino na maghintay pa ng pagbaba ng presyo ng langis sa world market kaya kailangang ang gobyerno na ang magsakripisyo para sa interes ng nakararami.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?