302

Apr 26, 2018 @ 11:23
By

Pagpapatalsik ng Kuwait kay Amb. Villa ikinagulat ng Palasyo

Ikinabigla ng Malacañang ang pagpapauwi ng Kuwaiti government kay Philippine Ambassador Renato Villa at pagdeklara sa kanyang persona non grata.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nabigla sila sa development ng mga pangyayari sa Kuwait dahil maayos naman ang naging pag-uusap nina Pangulong Rodrigo Duterte at Kuwaiti Ambassador Musaed Saleh Ahmad Althwaikh.

Humingi na rin aniya ng paumanhin si Foreign Affairs secretary Alan Peter Cayetano sa Kuwaiti Ambassador.

Sinabi ni Roque na pinag-aaralan na ng Pilipinas kung ano ang susunod na hakbang sa isyu.

“Eh nagulat po talaga ang lahat sa mga developments na ito, dahil mahusay po ang pag-uusap sa panig ng ating Presidente at ng Kuwaiti Ambassador; at sa panig po ng ating Secretary of Foreign Affairs at ng Kuwaiti Ambassador din kahapon ‘no.So, nagulat po tayo at ngayon po ang pinag-aaralan kung ano ang mangyayari,” ani Roque.

Sa kabila ng umiinit na sitwasyon sa relasyon ng Pilipinas at Kuwait, sinabi ng kalihim na pangunahing prayoridad pa rin ng gobyerno ang kapakanan at kaligtasan ng mga overseas filipino workers sa Kuwait.

“Pero ang assurance lang po ng Presidente sa ating panglabas na relasyon, ang pangunahing concern po ng Presidente ay iyong kapakanan ng ating mga mamamayan, ng ating mga OFWs, dahil iyan naman po talaga ang ating misyon – na pagsilbihan ang ating 11 million na mga OFWs na nandiyan po sa buong mundo,” dagdag pa ni Roque.

Binigyan ng isang linggo ng Kuwaiti government si Ambassador Villa para bakantehin ang puwesto at bumalik sa Pilipinas.

Hindi nagustuhan ng gobyerno ng Kuwait ang viral video ng embassy sa ginawang pagsaklolo sa mga distressed ofws dahil tila pinalitaw umano na mga halimaw ang mga employers ng mga ito na ikinagalit ng mga Kuwaiti.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?