49

Oct 14, 2021 @ 15:04
By

Pagpapalit ng kandidato sinuka ni Lacson

Pabor si Senador Panfilo Lacson sa panukalang tanggalin na ang ‘substitution rule’ sa Omnibus Election Law.

“I fully support the amendment of the Omnibus Election Code na ‘pag nag-file ka, that’s it. Either withdraw or you push through. Wala na dapat yung mga substitution,” sabi ni Lacson sa isang forum sa Quezon City.

Mungkahi pa ni Lacson, dapat payagan lamang ang substitution kung ang isang kandidato ay namatay o wala na kakayahang ipagpatuloy pa ang kanyang pagkandidato o pagtakbo sa posisyong kanyang napili.

Nauna nang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III, running-mate ni Lacson, na dapat suriin na ang naturang probisyon dahil inaabuso na aniya ito.

Sang-ayon din dito si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III dahil may mga partido aniyang sinasadyang magpatakbo ng mga pekeng kandidato na papalitan din naman ng iba sa kalaunan.

Noong Martes, naghain si Deputy Speaker Rufus Rodriguez na naglalayong ipagbawal na ang pagkakaroon ng substitution o kapalit ng mga kandidato para matigilan na ang aniya’y panunuya o panggulo sa halalan.

Sa ilalim ng kalendaryo ng Commission on Election para sa halalan 2022, ang substitution para sa isang kandidato sa nasyonal o lokal na posisyon ay dapat ihain hanggang Nobyembre 15 ng taong ito. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?