55
harry-roque
Apr 25, 2018 @ 13:23
By

Pagpapalis kay Sister Fox, kinatigan ng Palasyo

Sinuportahan ng Malacañang ang naging aksiyon ng Bureau of Immigration (BI) na pagpapadeport sa Australian missionary na si Sister Patricia Fox.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, dumaan sa proseso ang pagpapa-deport at pagkansela sa missionary visa ng dayuhang madre dahil napatunayang sumali ito sa mga political activities sa bansa.

Hindi aniya sinunod ni Sister Fox ang mga kondisyong nakasaad sa kanyang visa kaya ito binawi ng Bureau of Immigration.

“Dumaan naman po ito sa proseso no, nagkaroon ng preliminary investigation kung dapat nga ba siyang i-subject to deportation proceedings, nagkaroon ng ebidensiya na talagang sumapi siya sa mga political activities. Ako po mismo sabi ng CBCP never siyang nagsalita sa mga public rallies. Nag-release ako ng isang larawan na nagsasalita siya sa isang rally sa Davao noong April 9, pruweba po na talagang siya ay nanghihimasok at nakikialam at namumulitika sa ating bayan,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na sa halip ipalaganap ni Sister Fox ang kanyang pananampalataya at manghimok ng mas maraming naniniwala ay iba ang ginawa dahil siya ay namulitika kaya kailangan niyang umalis sa Pilipinas.

“Ang visa niya po ay bilang isang missionary. Ang missionary work po ay ipakilala kung ano ang relihiyon mo, kumuha ng mas maraming mananampalataya. Hindi po dapat namumulitika . At dahil nag-vioalate sa terms and conditions niya, kailangan niyang umalis ng Pilipinas,” dagdag pa ni Roque.

Pero sinabi ng kalihim na maaari pa ring bumalik ng Pilipinas si Sister Fox hindi bilang madre kundi bilang isang turista.

“Pero gaya ng sinabi ng BI, hindi naman po ibig sabihin na hindi na sita makakabalik, puwede pa rin siyang makabalik as tourist. Ang na-revoke lang sa kanya ay ang kanyang missionary visa,” ang pahayag pa ni Roque.

Nauna ng nahuli si Sister Fox noong sumali sa rally sa Hacienda Luisita kasama ang mga magsasaka at ito ang pangalawa kung saan binawi na ng BI ang kanyang visa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?