8

Jan 4, 2021 @ 16:21
By

Pagpapaliban ng PhilHealth contribution hike iraratsada – Sotto

Agad na aaksiyunan ng Senado ang panawagang ipagpaliban ang dagdag na buwanang kontribusyon ng mga miymebro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ayon kay Senate President Vicente Sotto III.

Ito’y matapos paboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapaliban nito at binigyang-diin na kailangan magkaroon ng batas para dito.

“Eh ‘di fastbreak namin,” pahayag ni Sotto sa mga reporters.

Sa Enero 18 magpapatuloy ang sesyon ng Kongreso subalit maari naming magsagawa ng pagdinig bago ang naturang petsa.

Noong nagdaang linggo, sinabi ni Senadora Imee Marcos na maghahain siya ng panukala na mag-aamiyemda sa Universal Health Care law para ipagliban ang 0.5 porsiyentong dagdag na contribution rate mula sa 3 porsiyento noong nagdaang taon.

Sinabi naman ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na maaring isama sa panukalang Bayanihan 3 ang ang pagpapaliban ng dagdag na kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth.

Suportado din umano ito ni Pangulong Duterte.

“Sinabi niya na kung may maipapasang batas ang lehislatibo na naglalayong ipatupad ang deferment, o kung may kailangang aprubahan na dagdag na pondo mula gobyerno para hindi maantala ang serbisyo ng PhilHealth, pipirmahan niya ito pagkatapos mapag-aralan ng mabuti,” sabi ni Go.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?