70

Sep 26, 2019 @ 17:11
By

Pagpapalaya sa mga sumuko na ‘di konektado sa GCTA, posibleng simulan na

Inaasahang uumpisahan na ngayong araw, Setyembre 26 ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagpapalaya sa mga sumukong bilanggo na hindi naman kasama sa listahan ng mga heinous crime convict na maagang napalaya dahil sa expanded Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi bababa sa 25 surrenderer ang tiyak nang pakakawalan at ito ay ang mga nabigyan ng pardon, executive clemency o parole.

Sandaling simulan ang operasyon, sinabi ni Guevarra na aaraw-arawin na ang pagpapalaya sa mga surrenderer na ang kaso ay hindi naman konektado sa aplikasyon ng GCTA.

Paliwanag pa ng kalihim, natatagalan lamang sila sa proseso dahil kailangan nilang isa-isahin ang record at carpeta ng bawat PDL na sumuko para matukoy kung sinu-sino nga ba ang dapat na pakawalan.

Sa ngayon ay tumutulong na umano ang mga prosecutor sa pagbusisi sa mga prison record para mapabilis ang proseso.

Gayunman, hindi pa matukoy ni Guevarra kung ilan sa mahigit 2,200 surrenderer ang nararapat nang palayain muli dahil ang paglaya ay hindi naman konektado sa GCTA.

“Slow lang ‘yan sa start. With BuCor cooperating and feeding the proper documents, the DOJ task force will eventually speed up the process,” ayon kay Guevarra.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?