91

Mar 17, 2020 @ 22:29
By

Pagpapalawig sa April 15 deadline ng ITR filing isinulong sa Kamara

Hinimok ni House Assistant Majority Leader at Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles ang pamunuan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na palawigin ang deadline para sa paghahain at pagbabayad ng taunang income tax returns (ITR) sa likod sa umiiral na Luzon-wide lockdown sa Metro Manila at buong Luzon dahil sa peligro at banta ng COVID-19 virus.

Ginawa ni Nograles ang pahayag sa likod ng mga samu’t saring panukala para i-extend ang April 15 deadline ng ITR filing at payment o kung hindi naman ay i-relax ang kasalukuyang patakaran na nag-aalis ng multa para sa mga posibleng late payment lalo na sa mga residente sa buong Luzon na hirap ngayon makakilos bunga ng umiiral na enhanced community quarantine dahil sa banta at peligrong dala ng nasabing nakamamatay na karamdaman.

Ayon kay Nograles, makabubuti kung palalawigin ni BIR commissioner Caesar Dulay ang April 15 deadline ng 15 araw at ilipat ito sa katapusan ng nasabing buwan lalo pa’t walang masakyan ang mga residente ng Luzon dahil suspendido ang operasyon ng mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng community quarantine policy ng administrasyong Duterte.

“The numerous restrictions imposed by the community quarantine are legitimate and valid causes for the grant of a grace period for NCR residents to comply with their obligations to the government such as the extension of the filing of the ITR from April 15 to April 30,” wika ni Nograles.

Giit ni Nograles, kung ang Korte Suprema ay nagawang palawigin ng karagdagang 30 araw ang deadline ng pagsusumite ng pleading dahil sa community quarantine, hindi ito imposible parte ni Dulay at ng BIR.

Hindi lamang ang mga kaalyado ng administrasyong Duterte sa Kongreso kagaya nila Senador Francis Tolentino at House committee on ways and means chair Joey Salceda ang sumusuporta sa nasabing panukala, kung hindi maging ang anak mismo ng Pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Iginiit ni Tolentino ang nakasaad sa Section 53 ng National Revenue Code of 1997 na “the (BIR) commissioner may, in ‘meritorious cases, grant a reasonable extension of time for filing returns of income’ (or final and adjustment returns in case of corporations), subject to the provisions of Section 56 of this Code.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?