93

By

Pagpapako sa krus maling kaugalian ng mga deboto – CBCP

Muling iginiit ng Simbahang Katolika na mali at hindi nila kailanman hinikayat ang mga deboto na magpapako sa krus o paglatigo sa kanilang likod tuwing Semana Santa, partikular sa Biyernes Santo.

Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Permanent Committee on Public Affairs Executive Secretary Fr. Jerome Secillano, mali ang pananaw ng ilan na makakamit nila ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan kung magpapapako sila sa krus at sasaktan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paghampas o paglatigo sa kanilang likod.

Ang teolohiya na aniya mismo ang nagsabi na sobra na ang pagpapapako at kamatayan ni Hesus sa Krus para tubusin ang tao sa kasalanan at hindi na ito dapat inuulit pa.

Batay sa turo ng Simbahang Katolika, ang nagnanais na mapatawad sa mga kasalanan ay dapat mangumpisal imbes na magpapako sa krus o saktan ang sarili.

Ito ang reaksyon ng Simbahan sa taon-taong pagdagsa ng mga deboto sa Brgy. Cutud sa Pampanga para saksihan ang pagpapapako sa krus ng ilang mga deboto tuwing Biyernes Santo.

Hindi rin kumbinsido si Secillano sa naging kaugalian ng mga deboto na saktan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paghahampas sa likod ng matatalas na bagay.

Aniya, delikado pa ito sa kanilang kalusugan dahil maaari itong magdulot ng impeksyon mula sa nalikhang mga sugat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?