153
super-blue-blood-moon
Jan 29, 2018 @ 15:40
By

Pagpapakita ng ‘super blue blood moon’ ila-livestream ng PAGASA

Dahil itinuturing na rare event na nangyayari lamang kada 150 taon, masasaksihan ng publiko sa pamamagitan ng livestream ang pagpapakita ng ‘super blue blood moon’ sa Enero 31.

Ayon kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather observer Lordnico Mendoza, maaaring makita sa anumang lugar sa bansa ang celestial event subalit may posibilidad na magkaroon ng maulap na papawirin sa Enero 31 hanggang sa Pebrero 2 dulot ng cold front kaya kung matatakpan man ito ay maaaring panoorin na lamang sa kanilang livestream.

Sa mga nagnanais umano na mas makita ito nang malapitan ay bukas umano ang PAGASA Astronomical Observatory sa University of the Philippines Diliman, Quezon City sa Miyerkoles ng gabi kung saan limang telescopes ang ilalagay ng ahensiya para magamit ng publiko.

May isang telescope din umano ang ilalagay para magamit ng mga photographer.

Nilinaw ni Mendoza na hindi asul na buwan ang makikita ng publiko kundi tinatawag lamang itong blue moon dahil ikalawa itong full moon sa kasalukuyang buwan, kung saan makikita umano ay mas malaki at mas maliwanag na buwan na supermoon.

Nagiging blood moon naman ito dahil sa magaganap na lunar eclipse kung saan makikitang kulay pula o tanso ang buwan.

“A supermoon happens when the moon comes within at least 361,000 kilometers from the Earth or perigree, and can appear 14 percent larger and 30 percent brighter than usual,” paliwanag ni Mendoza.

Ang blood moon ay makikita ng alas-6:49 ng gabi habang mayroong lunar eclipse na mangyayari naman simula ng alas-6:49 ng gabi hanggang alas-9:29 ng gabi na masasaksihan din sa ilang bahagi ng Asya, Middle East, Russia, Australia at North America.

Ang kahalintulad na pangyayari ay mauulit sa Disyembre 31, 2028 subalit ang makikita lamang ay blue moon at lunar eclipse at walang supermoon.

Nabatid na Mayo 31, 1844 nang huling may makitang blue moon, lunar eclipse at supermoon sa eastern United States.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?