26

Jan 22, 2021 @ 20:17
By

Pagpapagamot sa side effect ng COVID-19 vaccine, dapat libre – Villanueva

Kinokonsidera ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na sagutin ang gastusin sa pagpapagamot ng sinumang miyembro na makakaranas ng side effect ng COVID-19 vaccine, ayon kay Senador Joel Villanueva.

Sabi ni Villanueva, chairman ng Labor Committee, ang naturang kaligtasan galing sa PhilHealth ay magpapalakas sa pagtanggap ng publiko sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

“Kung libre po ang bakuna, libre din dapat ang pagpapagamot ng anumang adverse side effect nito. Saklaw rin po dapat ng universal health insurance ang pagpapabakuna, para wala na talagang dahilan hindi magpabakuna,” pahayag ni Villanueva.

Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na pag-aaralan ng PhilHealth ang proposal na ito.

Kung sasagutin ang pagpapagamot para sa post-vaccination issue, magiging matagumpay aniya ang vaccination plan ng pamahalaan laban sa COVID-19.

“Dito na po papasok ang PhilHealth para kasama ang mga pribadong ospital, para wala pong out-of-pocket expense para sa mga kababayan natin na tatakbo sa kanila. Kung patuloy na may pag-aalinlangan ang ating mamamayan, sigurado pong marami ang hindi magpapaturok,” sabi ni Villanueva.

Nauna nang lumabas sa survey na 47 porsiyento ang ayaw mabakunahan laban sa COVID-19 habang 21 porsiyento ang nananatiling undecided.

“Ang inaalala po natin, kung may mga allergy halimbawa at respiratory distress ang manifestation nito, baka i-charge po ito doon sa existing case rates na may ceiling, at lalabas pa na may out-of-pocket expense ang nabakunahan,” sabi ni Villanueva.

“Huwag naman po sana umabot sa ganoon ang magiging sitwasyon ng ating mga kababayan. We need this ‘comfort guarantee’ from the government to encourage people to get vaccine jabs,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?