34

Sep 22, 2021 @ 19:24
By

Pagpapababa sa puhunan ng mga dayuhan niratipika ng Kamara

Niratipika na ng Kamara de Representantes ang Bicameral conference committee report na nagpapababa sa minimum investment na maaaring ilagak ng isang foreign retailer sa bansa.

Pinagtibay ng mga mambabatas ang committee report para sa pinag-isang bersyon ng House Bill 59 at Senate Bill 1840 sa pamamagitan ng voice voting.

Sa ilalim ng panukala, ang minimum paid up capital ng isang foreign retailer ay ibababa sa P25 milyon mula sa P125 milyon.

Sa bersyon na ipinasa ng Kamara ito ay ibababa sa P10 milyon samantalang P50 milyon naman sa bersyon ng Senado.

Sinabi ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo na sa kabila ng pagsasabatas ng Retail Trade Law (RTL) noong 2000 ay konti lamang ang pumasok na foreign retail investor sa bansa.

Paliwanag ng solon, hindi naging competitive ang Pilipinas dahil sa $2.5 milyon ang minimum paid up capital dito na malayo sa $66,300 ng Thailand, $10,000 ng Vietnam samantalang walang ganitong requirement sa Brunei.

Mula 2000 hanggang 2019 ay 43 foreign retail investments na nakalikha ng 22,000 trabaho lamang umano ang naitala.

Umaasa si Quimbo na mas magiging competitive na ang bansa sa pamamagitan ng panukala.

“Ultimo sari-sari store, may benepisyo sa panukalang ito. Because greater market competition leads to better quality products at more affordable prices, sari-sari store owners will potentially have access to cheaper goods on a wholesale basis. Mas mura ang bilihin, mas mabilis uunlad ang kabuhayan,” dagdag pa ng lady solon.

Binibigyan din ng panukala ng kapangyarihan ang Department of Trade and Industry (DTI), Securities and Exchange Commission (SEC) at National Economic and Development Authority (NEDA) na repasuhin ang minimum paid-up capital kada tatlong taon.

Ang bicameral report ay niratipika na ng Senado. Ang panukala ay ipapadala na sa Malacañang para pirmahan ng Pangulo at maging batas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?