magdalo-gary-alejano
By

Pagnanakaw at pakikialam ng China

Sharing is caring!

Nakakabahala ang mga naging pahayag ni Pangulong Duterte kamakailan kung saan sinabi niyang hindi raw papayag ang China lalo na si Chinese President Xi Jinping na matanggal siya sa pwesto.

Ngayon mas malinaw na sa mga Pilipino kung bakit kahit na anong gawing paglabag ng China sa ating soberanya at mga karapatan sa West Philippine Sea ay nananatiling tahimik ang Pangulo.

Kapalit ng pananahimik sa mga ginagawa ng China ay sisiguraduhin umano ang pananatili ni Duterte sa pwesto.

Nakakatakot dahil habang sinasakop tayo unti-unti ng China at ibinabaon tayo sa kanilang pautang, direkta pa silang nakikialam sa internal affairs ng ating bansa. Walang bansa, kahit na ang Amerika ang puwedeng makialam sa internal affairs ng Pilipinas. Mismong si Duterte pa nga ang nagpahayag nito. Ngunit, sa rebelasyon mismo ni Duterte, tila ba nakikialam ang China sa usaping pulitikal sa ating bansa.

Lalo tayo dapat matakot dahil may mga pagkilos ngayon ang administrasyon na amyendahan ang Saligang Batas at palitan ng sistema ng gobyerno para magtagal pa siya sa pwesto. Hindi malabong kasama din sa dikta ng China na amyendahan ang Saligang Batas para magtagal pa si Duterte bilang Pangulo at para walang maging balakid sa patuloy nilang pang-aagaw ng ating mga teritoryo.

Kinakailangan ding amyendahan ang Saligang Batas upang mabago ang mga probisyon ukol sa foreign ownership ng mga kumpanya dito sa atin. Siguradong kapag ito ay natuloy, maglilipa na ang mga Chinese na kumpanya imbes na mga Pilipino ang mga magmamay-ari.

Ang pag-amyenda lang sa Saligang Batas ang puwedeng magpatagal kay Duterte sa kapangyarihan dahil isang termino lang ang ibinigay na pagkakataon ng 1987 Constitution para maging Pangulo ng bansa. Sa kabila ng pagsisiguro ng Malacanang na walang magiging pagpapalawig ng termino ni Duterte kapag naamyenda ang Saligang Batas, marami ang hindi naniniwala dito at talagang nababahala. Hindi rin naman natin masisisi ang mga nagdududa pagka’t ilang beses na ba harapang nagsinungaling si Duterte sa taumbayan?

Kitang-kita rin ang interes ng China sa pagpapanatili kay Duterte sa pwesto dahil kapag ang pumalit ng pangulo ay mas magiging matapang sa China, siguradong mapupurnada ang mga susunod na hakbang ng China na angkinin ang ating mga teritoryo. Kaya dapat lalo tayong magbantay dahil baka direktang nadidiktahan na talaga ng China ang ating Pangulo para magawa nila ang lahat ng kagustuhan nila sa West Philippine Sea.

Huwag tayong pumayag na pakialamanan tayo ng ibang bansa at lalong huwag nating hayaan na sakupin na lamang tayo dahil lang sa kaduwagan at pansariling interes ng iisang tao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?