308
risa-hontiveros
By

Pagmumura ni Duterte sa Diyos, diversionary tactic lang – Hontiveros

Sharing is caring!

Pinanindigan ni Senadora Risa Hontiveros ang kaniyang pahayag na panglihis lang ng atensyon ng taumbayan ang matatalim na salita ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Diyos.

Sagot ito sa sinabi ng Malacañang na wala itong kailangang pagtakpan dahil mahaba na ang listahan na nagawa ng administrasyon para sa bayan sa nakalipas na dalawang taon.

Kuwestiyon ni Hontiveros, kung nasaang planeta ang mga taga-Malacañang dahil ang nakikita niya ay mahabang listahan ng mga hindi natupad na pangako.

Tinukoy ang umano’y bigong pangako na tapusin sa loob ng anim na buwan ang problema sa krimen at drug trafficking.

Hindi rin aniya naipahihinto ng Pangulo ang kontraktwalisasyon ng mga manggagawa at hindi rin natupad ang ipinangako na ibibigay na sa mga magsasaka ang coconut levy funds.

Hindi rin umano nagkatotoo ang panata na independent foreign policy dahil yumuyukod ang Pangulo sa China at bigo rin umanong protektahan ang publiko mula sa pagtaas ng presyo ng petrolyo at lahat ng bilihin na dulot umano ng TRAIN Law na ipinalikha ng Malacañang.

Sa tingin ni Hontiveros, sinadya ng Pangulo ang tiyempo ngayon ng kontrobersyal nitong pahayag laban sa Diyos dahil saktong ikalawang taon ng tagumpay ng Pilipinas sa arbitral tribunal ukol sa West Philippine Sea na hindi ipinaglalaban ng administrasyon.

Giit ni Hontiveros, kung talagang may tapang at malasakit si Pangulong Duterte, haharapin nito ang mga isyu at hindi magtatago sa umano’y walang kapaki-pakinabang at nakakainsultong pahayag laban sa Diyos.

“Kung tunay na may tapang at malasakit si Pangulong Duterte, harapin niya nang tapat ang mga isyu ng mamamayan. Huwag siyang magtago sa mga walang kapaki-pakinabang at nakakainsultong pahayag para ilihis ang atensyon ng publiko at pagtakpan ang kanyang mga pagkukulang at kapalpakan,” giit ng senadora. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?