74

Jan 1, 2018 @ 9:34
By

Pagmamahal, pag-asa ipagdasal sa 2018 – VP Leni

Hinikayat ni Vice President Leni Robredo ang sambayanan na patuloy na ipagdasal sa 2018 ang pagmamahal at pag-asa.

Sinabi ng bise president na inaasahan ang maraming pagsubok dahil sa mga naghahasik ng galit at dahas kaya kailangang lahat ay maging matatag.

“Sa ating pagsalubong sa 2018, panalangin natin na patuloy na mamuhay ang liwanag ng pag-ibig at pag-asa sa puso ng bawat isa. Madami tayong pagsubok na hinaharap at haharapin pa. Nandiyan ang pagkalat ng negatibismo at galit, paglaganap ng kultura ng takot at karahasan sa ating lipunan,” sabi ni Robredo sa kanyang New Year’s message.

Nananalig naman si Robredo na laging nananatili sa mga Pilipino ang diwa ng kabutihan at malasakit.

“Sa kabila ng mga ito, naging saksi tayo sa katotohanan na ang bawat Pilipino ay tanglaw ng pag-asa, sa bawat komunidad na ating pinuntahan at sa bawat pamilya na ating nakasalamuha, nakita natin ang kabutihan at habag ng bawat isa para sa ating kapwa,” pahayag nya.

Nangako naman si Robredo na patuloy niyang isusulong ang pagpapaangat ng buhay ng ga mahihirap at ipagtatanggol ang karapatan ng bawat Pilipino

Pangako niya noong kampanya ang pagpapaangat sa buhay ng mga “nasa laylayan ng lipunan.”

Walang hawak na anumang pwesto sa gabinete si Robredo matapos niyang kusang magbitiw bilang housing czar noong patigilin siya ng pangulo na dumalo sa mga pulong ng gabinete. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?