25

Dec 10, 2020 @ 18:34
By

Paglutas sa problema sa NLEX kailangang balansehin – Palasyo

Walang pinapanigan ang Malacañang sa namamagitang gusot sa pamahalaang lungsod ng Valenzuela at management ng North Luzon Expressway (NLEX) kaugnay sa paggamit ng radio frequency indentification o RFID.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na may karapatan ang lokal na pamahalaan na magreklamo dahil nasa hurisdiksyon nila ang bahagi ng NLEX kung saan ipinatutupad ang RFID subalit dapat ding isipin ang kapakanan ng mga investor.

Baka madismaya aniya ang iba pang investor kung palaging ganoon ang mangyayari sa mga ipatutupad na mga proyekto.

“Kinakailangang balansehin natin ito dahil iyong mga proyekto na kagaya ng expressways na dinevelop ng pribadong sektor ay baka mamaya eh ma-turn off ang mga future investor kung palaging mangyayari ito,” ani Roque.

Nagsabi na aniya ang Toll Regulatory Board (TRB) na dapat maresolba ng mga operator ng expressway at ng lokal na pamahalaan ang hindi pagkakaintindihan.

Sinabi ni Roque na may punto ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela dahil mismong ang TRB ang nagsabi na kailangang magkaroon talaga ng upgrading sa mga kagamitan sa expressway pati na ang maintenance improvement para maging maayos ang daloy ng mga sasakyan at walang aberya sa biyahe.

“Ang posisyon po ng TRB, kailangang magkaroon ng pagbabago. Pagdating sa mga operator, kailangan mag-replace ng kanilang mga luma at depektibong sensor para mapabilis ang daloy ng mga sasakyan,” dagdag ni Roque.

Iminungkahi rin ng TRB na kailangan mag-reposition ng RFID installation at reloading lane, mag-upgrade ng mga system at software, paigtingin ang public traffic management at pahusayin pa lalo ang customer service assistance.

“We adopt of course, the recommendations of the TRB en toto,” wika ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?