63

Mar 1, 2020 @ 15:55
By

Paglobo ng bilang ng mga batang ina, pigilan – Gatchalian

Kailangang mapababa ang kaso ng teenage pregnancy sa bansa upang mapatatag ng Pilipinas ang mga nauna na nitong nakamit pagdating sa women empowerment.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian ukol sa maagang pagbubuntis dahil itinuturing itong pangunahing dahilan kung bakit tumitigil ang mga batang kababaihan sa pag-aaral.

Sa Annual Poverty Indicators Survey 2017 ng Philippine Statistics Authority, “marriage and family matters” ang pangunahing dahilan kung bakit ang mga kababaihang out-of-school youth na may edad anim hanggang 24 ay wala sa paaralan.

Bagama’t bumaba ang mga kaso ng teenage pregnancy sa mga kababaihang 15 hanggang 19 na taong gulang, tumaas naman ang kaso ng maagang pagbubuntis sa mga batang may edad na 10 hanggang 14.

Mula mahigit 1,381 kaso noong 2011, umakyat sa 2,25 o mahigit animnapung (63) porsyento ang mga kaso ng maagang pagbubuntis sa age group na ito, ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM).

Noong 2017 lamang, pumalo sa halos dalawang libo (1,985) ang bilang ng mga pagbubuntis sa naturang age group.

“Kung hindi titigil ang mga batang kababaihan sa pag-aaral sa kabila ng maagang pagbubuntis, matutupad nila ang kanilang potensyal na magkaroon ng mahalagang kontribusyon sa ating lipunan,” ayon kay Gatchalian.

“Mahalaga ang papel dito ng comprehensive sexuality education upang mabigyan ng sapat na kaalaman at proteksyon ang ating mga kabataan mula sa maagang pagbubuntis na maaaring epekto rin ng pang-aabuso at karahasan,” dagdag pa ng senador, ang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Sabi pa ni Gatchaliam. lalong aangat ang katayuan ng kababaihan sa bansa kung mapipigilan ang pag-akyat ng bilang ng teenage pregnancy.

Sa Global Gender Gap Report 2020 ng World Economic Forum na nagsasabing naisara ng Pilipinas ang walumpung (80) porsyento ng Economic Participation and Opportunity gender gap nito.

Dahil dito, mas maraming kababaihan ang mga nasa senior and leadership roles, pati na rin sa mga professional at technical professions.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?