249

Dec 11, 2017 @ 18:53
By

Paglilitis sa kaso ng mag-amang Binay sa Sandiganbayan, tuloy

Ibinasura ng Sandiganbayan ang mga mosyon nina dating Vice President Jejomar Binay Sr. at anak nitong si dating Makati City mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. na irekonsidera ang desisyong may probable cause para litisin sila sa mga kasong graft, malversation at falsification of public documents kaugnay ng umano’y overpriced Makati City Hall parking building.

Ayon sa anti-graft court Third Division, walang mabigat na argumento sa mosyon ng mga Binay para baligtarin ang naunang desisyon na nag-uutos na litisin ang mga ito.

“The subject motions for reconsideration do not raise any new or substantial legitimate grounds or reasons to justify the reconsideration sought,” saad sa resolusyon.

Sa argumento ng nakababatang Binay, nagkamali umano ang korte nang sabihing may basehan para litisin siya dahil ginawa lamang niya ang tungkulin bilang alkalde noon ng Makati City.

Sinabi naman ng dating presidente na hindi siya dapat maharap sa kaso dahil impeachable official pa siya nang imbestigahan ng Ombudsman ang kaso.

Iginiit rin ng mag-amang Binay na walang nangyaring sabwatan sa pagitan nila at ng iba pang mga akusado.

Pero ayon sa Sandiganbayan, naresolba na ang lahat nang nabanggit na mga argumento ng mga Binay.

“The aforesaid arguments, however, are mere rehash of the arguments they previously raised in their respective motions for judicial determination of probable cause and motion to dismiss,” giit ng korte.

Nahaharap ang dating presidente sa 4 na bilang ng kasong graft, isang malversation at 9 na bilang ng falsification of punlic documents habang ang nakababatang Binay ay kinasuhan ng dalawang graft at anim na bilang ng falsification of public documents. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?