56

Jan 13, 2022 @ 17:39
By

Paglilista sa hindi bakunado kinuwestiyon ng lady solon

Kinuwestiyon ng isang lady solon ang utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga barangay na magsumite ng listahan ng mga hindi bakunado sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay House Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro dapat ang ipagawang listahan ng DILG ay kung sinu-sinong pamilya ang dapat na bigyan ng ayuda.

“The DILG is imposing a policy that is unconstitutional and violates a person’s right to privacy,” sabi ni Castro.

Kung mayroon umanong gagawing listahan ang DILG, sinabi ni Castro na dapat ito ay listahan ng mga benepisyo ng bakuna, vaccination site at kung saan maaaring makapagpa-COVID test ng libre.

“Listahan ng mga nawalan ng trabaho at mga pamilyang nangangailangan ng ayuda ang likumin ng DILG,” sabi pa ni Castro na isa sa nagsusulong ng panukala na bigyan ng tig-P10,000 ayuda ang mga mahihirap na pamilya.

Sinabi ni Castro na mistulang naging obsesyon ng gobyerno na pahirapan ang mga ayaw na magpabakuna sa halip na kumbinsihin ang mga ito.

Ayon kay DILG spokesperson Jonathan Malaya nagpalabas na ang memorandum circular si Interior Secretary Eduardo Año na nag-uutos sa mga barangay na magsumite ng listahan ng mga hindi bakunado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?