274
magdalo-gary-alejano
Mar 21, 2018 @ 15:36
By

Paglilinis (umano) ng Boracay

Kaisa tayo sa pagnanais na maayos naa ang mga problema sa Boracay upang hindi tuluyang masira ang isla. Maituturing ito na pinakapopular na tourist destination ng bansa na siyang malaki ang bahagi sa pagpapasigla ng ating ekonomiya.

Tama lang ang aksyon ng gobyerno na alisin ang mga ilegal na istruktura sa Boracay at siguraduhin na sumunod sa batas ang mga negosyante. Kung magpatuloy ang pang-aabuso ay mas malaki ang mawawala sa bansa kapag nagkataon. Sa kabilang banda, dapat siguraduhin rin ng pamahalaan na makapagbibigay ito ng alternatibong kabuhayan para sa mga mamamayang apektado ng ginagaawang paglilinis ng Boracay.

Subalit hindi rin maiwasang magkaroon ng agam-agam ang taumbayan sa tunay na motibo ng gobyerno sa pagpapasara ng mga establisyimento sa Boracay lalo na at napapabalitang pinayagan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang pagtatayo ng isang malaking casino sa isla. Bago matapos ang buwang ito, lalagdaan na ang kontrata para sa provisional license ng Macau-based na Galaxy Entertainment Group Ltd at local partners nito para magtayo ng casino resort sa Boracay.

Nakakapagduda na isang Chinese company na naman ang nakakontrata para sa $500 million investment na ito. Mas lumilitaw ngayon na talagang marami nang pabor ang nakukuha ng China sa administrasyong Duterta. Para bang handang isakripisyo ang lahat kahit kabuhayan pa ng maraming Pilipino ang nakasalalay para magkaroon ng pwesto sa Boracay ang mga Chinese companies.

Kailangan bantayan at maging mapagmatyag sa isyung ito. Hindi mawawala ang posibilidad na ginagamit lang na dahilan ang paglilinis ng isla, ngunit ang katotohanan ay sasamantalahin din ito upang magbigay pabor sa mga malalaking pribadong kompanya na dikit sa administrasyon.

Hindi katanggap-tanggap kung isasakripisyo ang negosyo ng mga Pilipino para lang mapagbigyan ang mga mga dayuhang kompanya. Makakabuti nga ito sa ating ekonomiya ngunit dapat ay magkaroon rin ng prayoridad sa mga Pilipinong negosyante.

Sa huli, ang nais natin ay kapwa Pilipino din ang makinabang sa ating mga yaman ng ating bansa at hindi mga dayuhan na pilit tayong inaagawan, pinagnanakawan at pinagsasamantalahan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?