By

Paglikha ng Housing Department, lusot na sa Kamara

Sharing is caring!

Pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ang panukalang naglalayong lumikha ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Layon nitong mabigyan ng disenteng tirahan ang pamilyang Filipino na walang kakayahang magbayad at hindi tugma sa kanilang pangangailangan ang pabahay ng gobyerno at pribadong sektor.

Sa botong 193 pabor at anim na tutol, inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 6775.

Sa ilalim ng panukala, titiyaking abot-kaya, maayos at ligtas ang pabahay ng gobyerno na malapit sa hanapbuhay at serbisyo.

Pangungunahan ng DHSUD ang pag-develop sa mga lupa ng gobyerno para tayuan ng maka-masang pabahay.

Titiyakin din ng ahensiya na maayos ang land use at urban planning para sa mas maunlad na lungsod.

Nakasaad sa bill na pag-iisahin na ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).

Tatayo ang DHSUD bilang pangunahing ahensiya ng gobyerno na responsable sa pamamahala ng pabahay, human settlement at urban development.

Pamumunuan ito ng kalihim katuwang ang apat na undersecretaries at apat na assistant secretaries na itatalaga ng Presidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?