73
philta-huey-rodriguez
Jan 8, 2018 @ 16:49
By

Paglayas nina Huey, Gonzales wa epek sa PHILTA

Hindi natinag ang Philippine Lawn Tennis Association (PHILTA) sa paglayas ng dalawang Fil-Am netters na sina Treat Conrad Huey at Ruben Gonzales, Jr. sa national Davis Cup team.

May kapalitan na agad ang dalawang nagkakaedad na tenista, mga bata pa pero puno ng mga eksperiyensiya na atleta sa paghambalos ng Pilipinas sa karibal sa Southeast Asia na Indonesia sa Asia Oceania Zone Group II first round sa Pebrero 3-4.

Sinabi ni PHILTA secretary general Romeo Magat, na hindi makakalaro sa taunang torneo ang mga beteranong sina Huey na may hip injury at Gonzales na problemado ang panggastos matapos na hindi maibalik ang kanyang abono sa mga sinalihang kompetisyon.

“Isasabak natin ang mga bata para madagdagan ang mga karanasan nila,” sabi ni Magat, sa torneo kung saan nais ng Pilipinas na makabalik sa Group 1 matapos na mahulog noong 2012 sa Group 2.

Huling tinalo ng mga Pinoy ang Indonesians sa nakaraang taon, 4-1, sa Maynila sa pamumuno nina Huey at Gonzales upang tumuntong sa sunod na labanan kontra Thailand.

Pero winalis ang PHL squad ng Thais, 0-5, dahil sa kawalan nina Huey, Gonzales at Francis Casey Alcantara.

Sasandigan ng ranked No. 51 na Pilipinas sa nalalapit na labanan sa Gelora Bung Karo Tennis Stadium Complex sa Jakarta, Indonesia sina Alberto Lim, Jr., Jesson Patrombon, Patrick John Tierro at sumisikat na si 2017 PCA Open champion John Bryan Otico.

Ipipinalisa ng PHILTA ang komposisyon ng koponan bago umalis sa dapat sanang tatlong araw bago ang torneo, ginawa na lamang dalawa. Kung manalo ang Pilipinas, makakatapat nito sa ikalawang round ang magwawagi sa top seed Thais at Sri Lanka sa Abril 7 at 8.

Isasagawa ang final round sa Setyembre 15 at 16. Ang tatanghaling kampeon sa huling round ang tutuntong sa Group 1 sa 2019.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?