60

Nov 16, 2021 @ 18:25
By

Paglalagay ng nutritional value sa menu ng mga kainan umusad

Bumuo ng technical working group (TWG) ang House Committee on Health upang pag-isahin ang mga panukala na naglalayong atasan ang mga kainan na maglagay ng nutritional value sa menu ng kanilang tindang pagkain.

Sa pagdinig ng komite ngayong Martes, binigyan-diin ni Quezon Rep. Angelina Tan ang kahalagahan na mahikayat ang mga Pilipino na pumili ng masustansyang pagkain para makaiwas sa sakit.

Mayroong siyam na magkakatulad na panukala na siyang pagsasama-samahin ng TWG.

Samantala, inaprubahan din ng komite ang panukalang National Psoriasis Care Act (House Bill 9821) na akda ni Tan.

Sinabi ni Tan na tinatayang 2 milyong Pilipino ang mayroong psoriasis, isang sakit na wala pang lunas.

Ito ay sakit sa balat na bagamat hindi nakakahawa ay masakit, nakakasira ang itsura at nakakaapekto sa pamumuhay ng isang tao.

“Researchers are not yet sure what the exact cause of psoriasis is. However, various factors could play a role such as genetics, external factors like stress, infection, skin injury and medication and immune system,” sabi ni Tan.

Sa ilalim ng panukala ay itatayo ang National Psoriasis Care and Control Program (NPCCP) na siyang tutulong sa mga Pilipino na mayroong psoriasis.

Nagpasalamat naman si Joseph de Guzman, pangulo ng Psoriasis Philippines sa komite sa pagdinig ng panukala.

“Our community wants to thank you. Naiyak na po kami kasi first time na napag-usapan yung aming kondisyon na napakahirap. Maraming salamat po sa inyong lahat,” sabi ni de Guzman.

Nagpahayag din ng pagsuporta sa panukala ang iba’t ibang medical groups.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?