7,053

By

Paglagay ng P7.5B SEA Games budget sa DFA, utos ni Cayetano – Diokno

Ibinuking ni Budget Sec. Benjamin Diokno na si dating Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano ang nag-utos na ilagay sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang higit sa P7 bilyong alokasyon na gagamitin ng bansa para sa papalapit na 30th Southeast Asian Games (SEAG) sa susunod na taon.

Ginawa ni Diokno ang nasabing pahayag sa kainitan ng “Question Hour” sa plenaryo ng Kamara nitong Martes matapos siyang gisahin ni Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Prospero “Butch” Pichay ukol sa paglalagay ng pondo ng 2019 SEA Games sa ilalim ng DFA.

“It was requested by then Foreign Affairs Secretary (Alan Peter Cayetano) who’s on top of the SEA Games (preparation),” paliwanag ni Diokno.

Ayon kay Pichay, ang Philippine Sports Commission (PSC) ang ahensya na dapat pinaglaanan ng nasabing muti-bilyong pisong pondo, imbes na sa departamento na dating pinamumunuan ni Cayetano.

“This is sports, (and) this is not about diplomatic relationship. This is about sports and there is an agency tasked to do this things—and that’s the Philippine Sports Commission,” ani Pichay.

Giit ni Pichay, kahit pa si Cayetano ang kasalukuyang chair ng SEAG committee, hindi dapat inilagay ng Department of Budget and Management ang nasabing pondo sa ilalim ng ahensya dahil wala sa mandato ng DFA ang usapin pagdating sa pampalakasan.

“Ang tanong ko lang, bakit niyo nilagay ‘yan sa Department of Foreign Affairs when it should be in place under the PSC? That’s the agency mandated to do this things? Even if (then Sec. Cayetano) is the chairman of the SEA Games committee (that should be place under PSC),” sabi ni Pichay.

Dagdag pa ni Pichay, hindi niya maintindihan kung ano klaseng “milagro” ang ginawa nina Diokno at Cayetano para mailagay ang nasabing alokasyon sa ilalim ng DFA.

“In the first place, why you didn’t put it sa PSC? Ano bang milagro ‘yan?” tanong ni Pichay kay Diokno.

Ang nasabing pondo din ang naging dahilan kung bakit ipina-defer ng Senado nitong Lunes ang panukalang P27.5 bilyon na budget ng DFA para sa 2019.

Bukod sa P7.5 bilyon, meron ding hiwalay na pondo ang 2019 SEA Games na aabot sa halagang P9.54 bilyon sa ilalim ng Bases Conversion Development Authority (BCDA).

Ang BCDA ay pinamumunuan ni Vince Dizon na dating kaklase ni Cayetano at nagsilbi din bilang kanyang dating chief political officer sa Senado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?